Hangarin ng mga kandidato para sa mga Lasalyano, ibinida sa MDA ng GE 2025

Kuha ni Carl Daniel Sadili

IBINAHAGI ng mga independiyenteng kandidato at mga kandidato mula sa Tinig Coalition, Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT), at Santugon sa Tawag ng Panahon (SANTUGON) ang kani-kanilang mga plataporma sa pamayanang Lasalyano sa isinagawang Miting de Avance ng General Elections (GE) 2025 sa Henry Sy Sr. Hall Grounds nitong Hulyo 9.

Naglaan ang DLSU Commission on Elections ng dalawang minuto para sa mga tumatakbong batch officer, apat na minuto para sa mga tumatakbong college president (CP) at Laguna Campus Student Government (LCSG) campus legislator, at anim na minuto para sa mga tumatakbong University Student Government (USG) at LCSG executive board member. 

Inaasahang maisasakatuparan ang botohan para sa GE 2025 mula Hulyo 21 hanggang 23.

Hangarin para sa Laguna

Sinimulan ni tumatakbong LCSG College of Computer Studies (CCS) Representative Amiel Pelobello ang paglalatag ng mga plano ng mga kandidato ng Tinig Coalition. Idiniin niyang higit pa sa loob ng silid-aralan ang proseso ng pag-aaral bagkus naniniwala siyang nararapat makita ng mga pinuno ng industriya at mga potensyal na mentor ang mga proyekto ng mga Lasalyano.

Nakatuon naman si tumatakbong LCSG College of Liberal Arts (CLA) Representative Kristal Fabregas sa pagtataguyod ng komunidad ng malayang sining sa Laguna. Aniya, “The heart of CLA is [its] people—[the] community.” Katulad nito, inihandog din ni kumakandidatong LCSG College of Science (COS) Representative Clarisse Navea ang pagnanais niyang gawing kultura ng kaniyang kolehiyo ang pakikipagtulungan. 

Nanawagan naman si tumatakbong Laguna Campus Legislator-2 Danelle Morales na kinakailangang tugunan ng Laguna campus legislative board ang kasalukuyang pagkukulang ng mga polisiyang nakatuon sa mga problema sa School of Innovation and Sustainability. Kaugnay nito, ipinangako rin ni kumakandidatong Laguna Campus Legislator-1 Nauj Agbayani na pagsisikapan nilang gawing mas kongkreto at makabuluhan ang pagbuo ng mga polisiya.

Nilalalayon naman ni tumatakbong LCSG Campus Treasurer Vin Yap na mabigyan ng financial empowerment ang mga Lasalyano. Ibinahagi niya ang kaniyang planong palawakin ang akses sa mga grant at scholarship. Maglulunsad din si Yap ng mga programa para paigtingin ang financial literacy ng pamayanang Lasalyano.

Ipinahayag naman ni tumatakbong LCSG Campus Secretary Sofia Linghap ang kaniyang mga plano upang lalong mapabuti ang identidad ng LCSG at ang kanilang pagkatawan sa Laguna campus. “We are improving the student government’s annual recruitment process for Laguna campus, ensuring every generation is made up of passionate and dedicated leaders,” pahayag ni Linghap.

Ipinagbigay-alam ni tumatakbong LCSG President Lawrence Arroyo ang pangunahing haligi ng kaniyang mga plataporma, kabilang ang pagpapalakas sa panloob na pamamalakad ng LCSG, pakikipag-ugnayan sa ibang organisasyon, at direktang joint projects kasama ang USG.

Inilahad din ni Arroyo ang kaniyang plano upang maglagay ng cash in-loading stations at palawakin ang transportation services sa Laguna campus. “Nais ko sa campus na magkaroon ng sapat na suporta sa mga estudyante, na hindi [ito] limitado sa usaping akademiko,” paglalarawan ni Arroyo.

Mithiin para sa kolehiyo at batch

Pinangunahan ni Alexandra Rivera, tumatakbong Ramon V. del Rosario College of Business (RVRCOB) CP, ang paglahad ng plataporma ng SANTUGON sa kanilang mga talumpati. “I will continue to show up as someone who has committed wholeheartedly to ensure that no students are left behind,” pangako ni Rivera.  

Sinigurado naman ni tumatakbong BLAZE2026 Batch Legislator (BL) Cedric De Castro na hindi mapag-iiwanan ang Pamantasan sa mga isyung pambansa. Isiniwalat ni De Castro ang kanilang plano na magtatatag ng USG Civil Engagement Framework upang gabayan ang USG sa pakikipag-ugnayan.

Pagdidiin ni De Castro, “Kung gusto natin ang tinig ng kabataan, dapat may direksyon ang ating pagtindig. Ang kabataan [ay] hindi lang pag-asa ng bayan, tayo ang tapagtaguyod ng pagbabago.”

Katuwang niya para sa BLAZE2026 sina Batch Vice President (BVP) Rain Dela Cruz at Batch President (BP) Nate Guban. Kabilang din sa mga kandidato ng SANTUGON sa RVRCOB sina BLAZE2027 BL Naomi Conti, BVP Andrei Comia, at BP Daniel Janda. Sa kaniyang plataporma, ibinahagi ni Conti ang pagnanais niyang suriin at pagbutihin ang mga umiiral na patakaran sa National Service Training Program ng Pamantasan.

Iginiit naman ni kumakandidatong Gokongwei College of Engineering (GCOE) CP Emjay Martinez mula TAPAT na hindi sapat ang pagbibigay ng suportang pang-akademiko lamang sa mga Lasalyano, kundi kinakailangang paigtingin din ang kanilang kalidad ng buhay.

Umiikot naman ang mga plataporma ni Miguel Ignacio, tumatakbong CCS CP mula TAPAT, sa pagbubuo ng sistema ng pagtutulungan upang mapabuti ang ugnayan sa loob ng kanilang kolehiyo. 

Kasama sa mga kandidato ng TAPAT sa GCOE sina tumatakbong CATCH2T27 BL Rei Encallado at BP Hannah Lee, at sina tumatakbong CATCH2T28 BP Andrei Gildore, BVP Khyle Villorente, at BL Sky Parado. Idiniin nila ang kanilang pagnanais na bumuo ng mga koneksiyon na magbibigay-kapangyarihan sa mga estudyante.

Tiniyak naman ni tumatakbong GCOE CP Kassie Senario mula SANTUGON ang kaniyang dedikasyon sa paghubog at pagpapalakas ng potensyal ng bawat Lasalyanong inhenyero. Kasama niya sa pagtakbo sina tumatakbong 79th ENG BP Ystiphen Dela Cruz at BVP Denzel Navarro. Paglalahad ni Dela Cruz, nakikita niya ang optimisasyon bilang susi sa pag-usbong ng buhay ng kaniyang batch.

Inilatag ni Michael Maglente, tumatakbong CCS CP mula sa SANTUGON ang kaniyang layunin na paigtingin ang inobasyon at kolaborasyon sa loob ng kaniyang kolehiyo. Kasama niya sa pangangandidato sa CCS sina CATCH2T28 BL Naomi Reyes at BVP Jaica Pascual. Ipinangako rito ni Reyes na isusulong niya ang tech access review para mapabuti ang karanasan ng mga Lasalyano sa paggamit ng mga kompyuter sa The Learning Commons.

Ibinida naman ni tumatakbong Br. Andrew Gonzalez College of Education (BAGCED) CP Ven Lahoz mula sa TAPAT ang mga kaniyang plataporma. Kabilang dito ang “Edventures: Career Opportunities for CED,” na naglalayong magsilbing plataporma upang maikonekta ang mga Lasalyano sa mga oportunidad para sa mga internship at fellowship.

Kasangga ni Lahoz sa pangangandidato si tumatakbong EDGE2023 BL Una Cruz, na nangakong magsusulong ng mga programang espesipikong nakatuon sa mga estudyanteng ID123 mula sa BAGCED. Kasama rin nila sina tumatakbong EDGE2024 BP Bea Abarquez at BVP Arndre Sia. 

Nanawagan naman si tumatakbong FAST2023 Batch Legislator Basti Araneta, isang independiyenteng kandidato, na nararapat na may boses ang lahat ng mga Lasalyano sa pamamalakad ng USG, anuman ang kanilang paninindigan o kaugnayan sa politika. “The student government does not just belong to parties. . . Because [the] student government belongs to everyone, and that necessitates a student governance for everyone,” udyok ni Araneta.

Ibinatid din ng mga kandidato ng TAPAT para sa FAST2024 na sina BP Hailie Lopez, BVP Ino Templonuevo, at BL Summer Lacambra ang kanilang hangarin upang isulong ang kapakanan at kaunlaran ng kanilang batch. 

Kasandal nila sina tumatakbong FAST2023 BP Margaret Reyno, BVP Dale Delatado, at BL Gabby de Guzman. Paglalalim ni Reyno, “Ang aming mga pilar at plataporma ay mula sa puso at utak ng munting institusyong ito, mula sa mga estudyante, mula sa masa, na patungo at para sa isang pamumunong aktibong nakikilahok at may malasakit.”

Nangako naman si Nadine Francisco, tumatakbong CLA CP mula SANTUGON, na isusulong niya ang isang “Liberal Arts experience” na nakasentro sa mga estudyante. Kaagapay niya sina tumatakbong FAST2022 BVP Francis Ayala, pati sina FAST2023 BP Jannah Jumawid at BVP Hart Llamada. Katunggali rin nila sina tumatakbong FAST2024 BP Joie Lua, BVP Louise Castillo, at BL Ken Cayanan. 

Idineklara naman ni Cayanan na isusulong niya ang pagpapalawak ng mandato ng University Commission on Human Rights upang matugunan ang mga isyung may kinalaman sa political discrimination. “Sa panahon kung saan talagang unos sa loob at labas ng Pamantasan, kinakailangan nating sumalungat. Hindi sapat ang pananahimik at kinakailangan nating tumugon,” panawagan niya.

Ipinunto ni Clark Cuaresma, tumatakbong COS CP mula TAPAT, na priyoridad niya ang paglaan ng makatao at maka-estudyanteng serbisyo. Kabilang dito ang isang programang naglalayong maglaan ng libreng gamot, medisina, at konsultasyon para sa mga estudyante mula sa COS. 

Kasama niya sa pangangandidato sa COS sina tumatakbong FOCUS2024 BP Wesley Punongbayan, BVP Jhulia Geducos, at BL Neil Maniquis. Kabilang sa mga isusulong ni Maniquis ang pagkakaroon ng workshops sa pagsusulat ng mga siyentipikong pananaliksik sa wikang Filipino.

Ibinida rin ng mga kandidato ng SANTUGON para sa FOCUS2024 na sina tumatakbong BP Bai Abbas, BVP Erika Martin, at BL Samantha Gayares ang kanilang mga adhikain. Itinampok ni Martin ang kaniyang plano sa pagtugon sa kakulangan ng mga oportunidad para sa internship at scholarship ng mga estudyanteng ID124.

Ipinahayag ni tumatakbong Carlos L. Tiu School of Economics CP Micah Agatha, isang independiyenteng kandidato, ang kaniyang layuning iparating sa administrasyon ang mga hinaing ng mga Lasalyano at paigtingin ang partisipasyon ng mga estudyante sa mga usaping pangkolehiyo.

Inihain naman ni tumatakbong EXCEL2026 BL Aleia Silvestre, isa ring independiyenteng kandidato, ang kaniyang paninindigang isulong ang isang EXCEL2026 na nakatuon sa pagtataguyod ng malasakit at pagpapakatao.

Ibinahagi rin nina tumatakbong EXCEL2027 BP Hazel La Rosa, BVP Igraine Opelario, at BL Katherine Lui mula SANTUGON ang kanilang mga plano. Bilang bahagi ng kaniyang plataporma, ibinida ni Lui ang kaniyang adbokasiyang isulong ang pagbibigay ng pinansyal na tulong para sa mga Lasalyanong komyuter.

Adhikain para sa pamayanang Lasalyano

Mula sa TAPAT, itinampok ni Huey Marudo, tumatakbong USG Vice President for External Affairs, ang kaniyang planong paigtingin ang aktibong pakikilahok ng USG sa iba’t ibang panlabas na konsehong pampamantasan upang mapabuti ang pakikilahok sa mga pambansang usapin. 

Inihain din ni Marudo ang kaniyang planong programang nakalaan upang magbigay ng pinansyal na tulong sa mga Lasalyanong nais lumahok sa mga kompetisyon at extracurricular activity. Ibinahagi niya rin ang layunin niyang mabigyan ng oportunidad ang mga Lasalyanong mairehistro ang kanilang mga negosyo.

Ipinangako ni tumatakbong USG President Kailu Baradas ang pagsusulong sa mga programang nakatuon sa pagpapabuti ng serbisyo ng USG para sa mga Lasalyano. “Every project we make, from rethinking student services to expanding student support is compassion fueled by conviction, solutions forged hand-in-hand, and change we celebrate together,” saad niya.

Mula naman sa SANTUGON, inilahad ni tumatakbong USG Treasurer Joshua Languban ang kaniyang planong isulong ang financial accessibility, transparency, at proactive fiscal policy. Ipaglalaban niya rin ang direct support initiatives at ang pagpapadali sa mga proseso sa Accounting Office.

Ipinahayag naman ni tumatakbong USG Secretary Guin Durusan ang kaniyang pangunahing tungkuling tiyakin na maayos ang daloy ng impormasyon sa pagitan ng USG, administrasyon, at mga Lasalyano. Dagdag pa rito, isusulong din ni Durusan ang mga inisyatibang nakatuon sa pagpapalawak ng kaalaman sa Filipino Sign Language, Braille, at reproductive health.

Iginiit naman ni tumatakbong USG Vice President for External Affairs Brenn Takata ang “Agap Animo” na naglalayong magkaroon ng emergency kits sa mga silid-aralan ng Pamantasan. Sisiguraduhin din ni Takata na magiging bukas ang pasilidad ng Pamantasan para sa mga estudyante sa oras ng pangangailangan, lalo na sa panahon ng kalamidad.

Kasama rin sa mga adbokasiya ni Takata ang pagpapabuti ng waste management system ng Pamantasan at ang pagbibigay-pansin sa mahahalagang isyung pambansa at pandaigdig.

Ipinahayag ni tumatakbong USG Vice President for Internal Affairs Lara Capps ang kaniyang layuning tiyakin ang representasyon ng mga Lasalyano sa mga usaping may kinalaman sa enlistment, tuition fees, at clearance holds. 

Kabilang sa mga adbokasiya ni Capps ang pagkakaroon ng sariling OB-GYN sa loob ng Pamantasan upang mapabuti ang serbisyong diagnostiko nito, kaugnay ng pagpapasa ng polisiya patungkol sa excused absences dahil sa menstruation-induced na sakit.

Pinaplano naman ni tumatakbong USG President Zach Quiambao ang pagtugon sa mga isyu tulad ng 0% tuition fee increase at ang pagpapabuti ng mga pasilidad ng Pamantasan, kabilang ang Wi-Fi nito. “We will have a USG that addresses problems close to the heart of Lasallians. . . Our tuition is 100k, the service should be 100k worth,” udyok niya.

Kabilang din sa mga isinusulong ni Quiambao ang pagpapabuti ng polisiya ukol sa excused absences sa panahon ng sakuna at ang pagkakaroon ng libreng STD testing sa loob ng kampus bilang bahagi ng mas inklusibong serbisyong pangkalusugan para sa mga Lasalyano.