INUNGUSAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 26-24, 25-19, 24-26, 27-25, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Abril 4.
Nagningning bilang Player of the Game si DLSU opposite hitter Shevana Laput matapos umukit ng 21 puntos mula sa 18 atake, dalawang block, at isang ace. Nangibabaw naman para sa lupon ng Fighting Maroons si Irah Jaboneta tangan ang 18 marka.
Masigasig na umararo ng puntos ang magkabilang koponan sa pagbubukas ng bakbakan, 9-all. Gayunpaman, matumal ang pagbuno ng puntos ng dalawang koponan mula sa service errors, 12-11. Bunsod nito, kumamada ng 4-0 run ang Diliman-based squad upang maitabla ang talaan, 18-all. Nagbago naman ang ihip ng hangin nang makapagsumite ng sunod-sunod na attack at service ace sina DLSU Team Captain Julia Coronel at open spiker Maicah Larroza, 22-20. Sinubukan pang lumusot ng Fighting Maroons, ngunit tuluyan nang sinelyuhan nina Lady Spiker Jyne Soreño, Coronel, at Laput ang unang set, 26-24.
Pagdako ng ikalawang set, nagpatuloy ang brasuhan sa pag-impok ng puntos ng dalawang koponan matapos magsagutan ng atake sina Laput at Jaboneta, 12-11. Nanalasa naman ng crosscourt hit si Alleiah Malaluan upang palaguin ang kalamangan, 18-14. Sa kabila ng pagtatangkang pagdikitin ang talaan, naupos ang pagliyab ng opensa ng Fighting Maroons nang magtamo ng magkakasunod na error, 22-16. Buhat nito, sinamantala ng Taft mainstays ang naghihingalong koponan matapos magpasabog ng atake si Soreño, 25-19.
Sa pagpasok ng ikatlong yugto, naging puhunan ng Berde at Puting koponan ang mga attack at service error ng Fighting Maroons, 6-1. Dahil dito, nakapagtala pa ng siyam na puntos ang Lady Spikers mula sa kumpas nina Malaluan, Laput, at Larroza, 18-9. Gayunpaman, napurnada ang pagtatapos ng set nang mabuhayan ng diwa si Stephanie Bustrillo para pangunahan ang pagratsada ng Diliman mainstays, 26-24.
Dumaan sa butas ng karayom ang Lady Spikers sa pagbulusok ng ikaapat na set matapos gapangin ang naimbak na 4-point lead ng mga nakapula, 11-9. Gayunpaman, matuling nakahabol ang Fighting Maroons sa bisa ng crosscourt attack ni Joan Marie Monares, 15-16. Nagawa pang makaabante ng UP nang humarurot ng running attack si middle blocker Niña Ytang, 19-21. Kasunod nito, nagtabla pa ang talaan matapos ang makapanindig-balahibong sagutan ng tirada nina Bustrillo at Malaluan, 25-all. Sa huli, nanaig ang mga nakaberde bunsod ng malapader na depensa ni Coronel sa net, 27-25.
Sa kabila ng nakapanlulumong mga espekulasyon sa kalagayan ni UAAP Season 85 Most Valuable Player Angel Canino, nangibabaw ang nag-aalab na determinasyon ng Berde at Puting koponan matapos maibulsa ang 8-1 panalo-talo kartada. Abangan ang muling pagpapasiklab ng Lady Spikers sa kanilang tangkang pagsupil sa University of the East Lady Warriors sa darating na Martes, Abril 9, sa ganap na ika-4 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.